Akala ko cute sa feeling yung naglilihi. Yung tipong sasabihin mo lang sa partner mo lahat ng gusto mong kainin, tapos ibibigay niya. Yung magke-crave ka sa madaling araw ng mga weird na pagkain tapos hindi niya alam saan kukuha ng ganun sa oras na yun. Akala ko kasi pag buntis required na may favorite ka. Yun lang kasi mga alam kong kwento. Hindi pala. Tungkol din pala ito sa mga ayaw mong kainin, ng baby mo. Parang si baby yung namimili kung ano yung dapat ilalagay mo sa sikmura mo. Yung mga paborito kong manok, sabaw, snacks, biglang ayoko na. Susuka na ako maamoy ko palang.
Ito pa, palagi kong sinasabi kay Rommel na siya na bahala sa meal namin dahil wala naman akong gusto o hinahanap, kahit ano lang ba, ang ending hindi ko rin kakainin kasi hindi ko pala gusto. Simula nung nandito na ako sa stage na ito, biglang hindi ko na trip lahat ng luto niya, kaya hindi na rin siya nagluto.
Nangangapa pa kami nung una. Kung ano-anong pinag-i-stock namin sa ref na hanggang ngayon nandyan kasi hindi ko naman kinakain. Kahit sa inumin, marami rin kaming pinagpilian, sa distilled lang ako hindi sumuka. Ang problema ko kasi, may mga oras na hindi ko alam yung gusto kong kainin, dahil mas marami pa akong ayaw. Kulang na lang gumawa siya ng listahan ng mga likes and dislikes ko. May mga time pa nga na parang ayoko na lang kumain kesa isipin ano ba talga yung gusto ko, kasi paiba-iba talaga. Nahihirapan na akong manghula.
So ayun, akala ko cute maglihi. Hindi pala para sa akin. Yung iba kasi ang cute, gusto nila ng toyo sa saging. Ganun. May isang beses din naman na nag-request ako kay Rommel, sabi ko parang ang sarap ng apple sa ketchup. Ayun di ko na inulit.
#pregnancy