Mas mahirap pa pala 'to sa inaasahan ko. Ang alam ko lang naman noon, mahirap manganak. Kitang-kita ko noon kung paano umiyak yung nanay ng pamangkin ko nung nagle-labor siya. Kung paano niya tiisin yung sakit at hilab. Ang sabi ko pa nga sa kanya, parang ayoko na lang magkaanak. Mukhang hindi ko kakayanin.
Ngayon pa nga lang, hindi ko na kaya. Ganito pala kahirap magbuntis. Nung mga nakaraang linggo, kinakaya-kaya ko pa yung morning sickness pero parang bumibigay na yung katawan ko. Mas lalo akong naging mapili. Konting amoy at ingay lang, susuka na ako. Lahat ng pagkain at iniinom ko, sa banyo lang din napupunta. Dumating na ako sa point na wala na akong ganang kumain at uminom. Tapos idagdag mo pa yung naging mapait yung panlasa ko. Nanginginig na yung mga balikat ko at lambot na lambot na yung tuhod ko tuwing lumalabas sa CR.
Sa gabi, hindi agad ako nakakatulog. Hindi ako dinadalaw ng antok. Nalulula ako pag nakahiga lang. Nakakailang ikot, lipat ng unan, palit ng pwesto, bago ako makatulog. Tapos bigla ka lang magigising sa madaling araw, para lang sumuka. Gustong sumuka ng sikmura ko pero walang maisuka dahil wala naman nang laman yung tyan ko. Mahihirapan na naman akong bumalik sa tulog. Gigising ako sa umaga, at maaalalang isang mahabang araw na naman ng pagsusuka para sa akin. Iiyak na naman ako. At iiyakan yung maliliit na bagay.
Gusto ko namang gawin yung best ko. Sabi ng nanay ko, labanan ko raw kasi wala raw mangyayari sa akin. The fact na ang hina-hina kong tao, paano? Ang dali lang namang sabihin, pwede bang umayaw na? Madali lang namang pabayaan yung sarili, pero yung maaalala mong hindi naman ito tungkol sa iyo kundi tungkol sa dinadala mo, mas lalong gusto ko na lang umiyak dahil hindi pwedeng sumuko.
Sana malagpasan na namin 'to.
#pregnancy